Monday, January 25, 2010
ELECTION WATCH: Sen. Manny Villar says celebrities endorse him not for money but because of friendship
Dumating si Senator Manny Villar sa 49th birthday celebration ng TV host na si Willie Revillame sa noontime show ng huli na Wowowee sa ABS-CBN last Saturday, January 23. Simula pa lamang ng show ay nandun na si Sen. Villar kasama ang kanyang misis na si Las PiƱas Representative Cynthia Villar, daughter Camille, and sons Mark and Paolo.
Bukod dito, binigyang katuparan ni Sen. Villar ang pangarap ng 40 kabataan na anak ng mga basurero at OFWs na nakaranas ng injustice sa abroad na makapag-aral. Sumali ang mga anak ng basurero at OFWs sa "Tic, Tac Toe" portion ng Wowowee. Unfortunately, walang nanalo sa kanila kaya hindi nila nakuha ang premyo na P3 million at house and lot.
Pagkatapos nito ay kinausap ni Willie si Sen. Villar. Aniya, "Ang pangako ko sa kanila [studio contestants], makapag-aral sila. E, hindi nakuha yung papremyo. E, tuwing lalapit ako sa inyo [Sen. Villar], hindi n'yo naman ako hinihindian. Gusto ko ang inyong vision. Pangalawang lapit ko po ito sa inyo."
Matatandaang nagbigay na ng anim na bahay at lupa si Sen. Villar sa napiling OFWs sa request ni Willie at in-award sa Wowowee. Tumataginting na P1.2 million ang halaga ng bahay na ibinigay sa kanila na located sa mga subdivision na pag-aari ni Sen. Villar. Ang recipients ng bahay at lupa ni Sen. Villar ay mga contestant sa "Willie of Fortune" game portion ng Wowowee.
Sabi pa ni Willie habang kaharap si Sen. Villar sa birthday celebration niya sa Wowowee, "Kung sakali ho na kayo ay maging presidente, hindi na ho ako lalapit sa inyo. Tatawag na lang ho ako sa inyo para sa kababayan nating mahihirap. Makikiusap ako sa inyo na unahin natin ang mga taong naghihirap, mga taong nagdudusa.
"Noon hindi niyo ako iniwan, hinding-hindi ko rin kayo iiwanan," pahabol niya.
Kasunod nito ay ang hiling ni Willie kay Sen.Villar na sagutin ang tuition fee ng mga bata para makapag-aral na hindi naman tinanggihan ng tatakbong presidente sa 2010.
Sabi ni Sen. Villar, "Gusto ko yung naranasan ko nung ako ay bata, hindi na maranasan pa nung ibang mga bata. Kaya okay lang, Willie, call ako diyan. Ako, yung karanasan nila, hindi mo sigurado at talagang me tensiyon kapag bayaran ng matrikula. Ito yung nakakaawa sa bayan natin. Dapat matigil."
Nagbigay rin ng birthday wish si Sen. Villar para kay Willie.
"Ang birthday wish ko kay Willie, sana lahat ng pangarap niya sa buhay, matupad niya. Marami pa rin naman siyang pangarap. Siyempre masaya siya ngayon, lahat kaibigan niya. Isipin din niya na pagkaraan noon, kailangan din na mapaghandaan niya. Pareho pala kami na [ipinanganak] Year of the Ox, kailan ko lang nalaman," aniya.
May birthday gift din ba siya kay Willie?
"Wala pa nga, e. Pero, three million!" biro ni Sen. Villar. "Hindi, hindi... Ang sa akin, yung mapagbigyan ko ang hiling niya. Kasi parang yun naman ang hiniling niya, e. Parang more than anything I can give him, di ba? I can give him a gift but he doesn't need it, e. Dami na rin nagreregalo diyan. Pero yung hiling niya na 'yon, mapagbigyan ko parang okey na rin sa akin yun."
VILLAR'S CELEBRITY ENDORSERS. Tatlong buwan na lang ang itatagal ng kampanya para sa May 10, 2010 elections. Pawang malalaking pangalan sa industriya ang nag-e-endorse ngayon kay Sen. Villar, pero tila pawang nasa maturity level na ang mga ito. Bukod kay Willie ay nandiyan din sina Dolphy, Manny Pacquiao, at Michael V.
Wala ba silang itatapat sa Dingdong Dantes-Marian Rivera tandem sa kampo ni Senator Benigno "Noynoy" Aquino III, na may advocacy sa mga kabataan?
Ang nag-iisang anak na babae ni Sen. Villar na si Camille ang sumagot nito pagkatapos ng show. Aniya, "Magkakaroon po kami ng parang ambassadress para sa mga kabataan, lalung-lalo na sa mga first-time voters."
Sino ang kinuha nila para maging ambassadress?
"You will see kapag lumabas na yung campaign," sagot ni Camille. "Basta ano po siya, matagal na naming kaibigan, lalung-lalo na yung mga nakakasama niya. So, magkakaroon. Masisimulan na namin yung mga programa para sa kabataan."
Ayon kay Sen. Villar, ang anak daw niyang si Camille ang in-charge pagdating sa mga kabataan. Pero bago ang kukunin nilang endorser para sa youth sector, lumabas na ang TV ad campaign ng Comedy King na si Dolphy kung saan ine-endorse niya si Sen. Villar for President sa 2010.
Hindi ba sila nahirapang kunin si Dolphy para i-endorse siya?
"Kaibigan namin kasi, e, at kaibigan din ni Willie," sagot ng senador. "Alam mo 'to, magkakaibigan din 'yan. Si Willie, kaibigan si Manny Pacquiao, kaibigan ko rin. And then, si Dolphy, kaibigan ni Willie, kaibigan ko rin. May mga ganun, e... Si Michael V, kaibigan ko rin."
Kilala si Dolphy na hindi basta-basta nag-e-endorse ng kandidato sa eleksiyon. At ito ang unang pagkakataon na pumayag ang Comedy King na gumawa ng TV ad campaign to endorse a political candidate.
Ano ang masasabi ni Sen. Villar dito?
"Alam mo, isang malaking karangalan sa akin na i-endorse ako ni Dolphy," aniya. "Malaking bagay sa akin yun. Ako ay tagahanga niya noon pa. Hindi pa ako nagbabalak kumandidato bilang Pangulo ay tagahanga na niya ako. Hindi pa kami magkakilala talaga. Magkakilala kami, pero hindi pa kami talaga magkaibigan. Nino-nominate ko na 'yan [as National Artist]. Kaya ngayon na inendorso niya ako, isang malaking karangalan sa akin at natutuwa ako diyan. "
Isasama ba niya sa mga kampanya si Dolphy?
"Hindi naman. Hindi na sasama sa campaign si Dolphy. Sapat na yun [TV ad]. Sa palagay ko, sapat na yung ginawa niya na yun. Napakalaking bagay na yun."
Taga-Tondo rin daw si Dolphy kaya naka-relate siya kay Sen. Villar.
"Oo, actually, isang kadahilanan yun kung bakit siguro nagustuhan niya akong iendorso dahil pareho kaming taga-Tondo. Magkalapit nga yung bahay namin at saka yung kanilang lugar. Ibang kalye, pero in the same area. Ang Tondo kasi malaki, may District I at may District II. Kami ni Dolphy, magka-distrito," banggit ng pulitiko.
Ang impression ng marami ay malaki ang ibinayad nila kay Dolphy kaya napapayag na mag-endorse sa kanya.
"Hindi naman. Actually, magugulat ka, wala kaming ibinayad kay Dolphy," tanggi ni Sen. Villar.
May lumalabas na balita na P30 million daw ang ibinayad nila kay Dolphy. Totoo ba ito?
"Wala nga akong binayad, e!" tawa ni Sen. Villar. "Magugulat po kayo doon."
Ang tingin kasi ng iba ay laging may katapat na pera o halaga ang kinukuha niya to endorse him?
"Alam mo, sinisiraan kasi ako ng mga kalaban din. Lahat ng... pagka lahat ng gawin namin, may pera agad. Minsan nga pagdating sa kabila, kapag may kumampi sa akin, 'Nabayaran 'yan.' Hindi naman tooo yun kasi ako naman, pinaghirapan ko naman ang pera na yun. Hindi ko naman parang tinatapon 'yan. Hindi ko naman ninakaw 'yan, e. Dugo at pawis 'yan, e. Sipag at tiyaga," saad niya.
Paano niya nakumbinsi si Mang Dolphy?
"Kasi siguro, alam mo may mga kaibigan ka rin na nagpapahalaga ng relasyon ninyo, e. Kami ni Willie, business partner naman kami, so parang... Kahit si Manny Pacquiao, hindi naman nagpapabayad 'yan. Kasi sa akin nakuha ko naman na may relasyon din."
CAMPAIGN JINGLE. Hindi maikakaila na napakalakas ng dating ng jingle sa TV ad campaign ni Sen. Villar, ang "Dagat Ng Basura," na kinanta ng mga batang mahihirap. Isa raw ito sa mga dahilan kaya umangat sa survey si Sen. Villar.
"Siguro, aaminin ko naman na maaaring isa yung kadahilanan," aniya. "Pero ang importante diyan, yung jingle plus yung nakikita nila. Kasi kung mag-jingle ka na hindi ka naman, kunyari, mayaman ka naman, gaganun-ganun ka na ikaw ang tunay na mahirap, e, di niloloko mo yung tao. E, talaga namang ganun kami nung araw. Pero yung mga bata na yun, di ba, doon lang yun? Mga taga-Baseco talaga sila."
"May iba-ibang version na nga ang kanta, e. Dapat nga siguro we should get pala different versions tapos put in one CD," banggit pa ng senador.
May balak ba silang isama ang mga batang kumanta sa music video sa mga kampanya niya nationwide?
"Depende, kasi minsan baka maano rin sila. Pero puwede rin. Iniisip din namin lahat 'yan. Kung gusto nila. Kasi baka nag-aaral din sila, e. Basta ang importante lang, makatulong tayo sa kanila, mapag-aral natin," sabi ni Sen. Villar.
Labels:
Manny Villar
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment