NAPASABAK agad sa matinding halikan sina Richard Gutierrez at Anne Curtis sa unang syuting nila para sa pelikulang So It’s You, na prodyus ng GMA Films at Viva Films.
Kuwento ni Chard, pagdating nila sa set ay agad silang inutusan ni direk Mac Alejandre na maghanda sa halikan. Sa simula ay parang ayaw raw nilang maniwala ni Anne, dahil first shooting day nga naman `yon, tapos ay halikan agad ang kukunan.
Pero, seryoso pala si direk Mac, kaya wala silang nagawa kundi ang sundin ang utos ng director. At sa tingin ni Chard, naging magandang ice breaker `yon sa kanila ni Anne, dahil after ng halikan nila, tawanan na lang daw sila nang tawanan ni Anne.
Habang katsika ng mga manunulat si Chard, biglang bumalik sa isipan ng lahat ang kumalat na video nila ni Anne noon, na kung saan ay naglaplapan sila nang todo at tawanan nang tawanan.
Ganun ba ang ginawa nila ni Anne sa harap ni direk Mac ngayon?
“Parang ganu`n! Ha! Ha! Ha! Ha!” natatawang sagot niya.
Limang araw na raw silang nakapagsusyuting ni Anne, at hindi pa raw sila nagkakasama ni Claudine Barretto.
Anyway, alam ni Chard na marami ang hindi naniniwala sa kakayahan niya na mag-host ng Survivor Philippines, na unang hinahawakan ni Paolo Bediones. Sabi nga, baka raw hindi kayanin ni Chard ang manirahan ng isang buwan sa bundok o kagubatan o tabing-dagat.
“Ang mga nagsasabi lang noon ay `yung mga hindi ako kilala,” sambit ni Chard.
At dugtong pa niya, dahil daw sa mga taong hindi naniniwala na kakayanin niya ang hamon bilang host ng Survivor Philippines, mas lalo raw lumalakas ang loob niya, at mas lalo siyang natsa-challenge.
Kuwento ni Chard, para sa kaalaman ng lahat, bago pa man siya pumasok sa showbiz ay naranasan na niya ang maglibot sa mga probinsiya sa Luzon, kasama ang dalawa pang kaeskuwela. Natutulog daw sila sa kung saan sila abutan, at kumakain ng kung ano ang available.
Kaya hindi raw totoo na hindi niya kakayanin ang mabuhay sa bundok ng isang buwan.
“Pagdating sa pagkain, hindi ako namimili. Naranasan ko nang kumain ng live octopus, `yung maliit lang. Naranasan ko na ring kumain ng frog,” say niya.
Siyanga pala, masaya si Richard Gutierrez na parami nang parami ang nakikisali sa adhikain niya na turuan ang mas nakararaming Pinoy na iligtas ang kalikasan. Katunayan, parami raw nang parami ang sasali para mag-perform sa gaganaping one night commemoration ng 40th Earth Day Celebration, ang One Earth, One Journey, An Earth Day Concert, ngayong gabi sa SMX Convention Center (MOA), at ipalalabas sa GMA’s SNBO.
Sabi ni Chard, sa nangyayari sa mundo ngayon, mas lalo siyang dapat na maging aktibo bilang miyembro ng Green Peace Philippines’ advocacies for Mother Nature.
Ilan sa magpi-perform ay sina Kyla, Jay-R, Mark Bautista, Rachel Ann Go, Cooky Chua, Gloc9, Frencheska Farr, Noel Cabangon, Buboy Villar, at ang mga bandang Pupil, Freestyle, Hale, Spongecola, Callalily, Urbandub, Nyco and Maca at Playground.