Isa si Cristine Reyes sa mga direktang naapektuhan ng hagupit ng bagyong Ondoy noong Setyembre.
Matatandaan na mahigit 12 oras na na-stranded ang nakababatang kapatid ni Ara Mina—kasama ang kanyang ina, 18 taong gulang na kapatid, mga pamangkin, at kasambahay—sa bubungan ng kanilang bahay sa Princeton Street, Provident Village, Marikina City.
Gayunman, nanatili pa ring matatag ang dating Eva Fonda actress at muling ipinagpatuloy ang kanyang mga naiwang trabaho sa showbiz.
Sa maikling panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kamakailan, nabanggit ni Cristine na tanging caretaker na lamang ang nasa kanilang bahay sa Marikina at, "balak naming ibenta [ang bahay]." Kasalukuyang naninirahan ang aktres kasama ang kanyang Ate Ara sa Quezon City.
Para kay Cristine, hindi kinakailangang malugmok nang husto dahil sa karanasang ito. Kaya naman sa darating na bagong taon, payo niya sa mga kapwa nasalanta ng bagyo, "Kailangang mag-move on. Huwag na lang masyadong isipin 'yong medyo traumatic na nangyari sa amin dahil hindi naman doon nagtatapos ang buhay, e. Kumbaga, we're safe, buhay pa, so ipagpatuloy lang natin ang mga ginagawa natin para makabawi rin. Huwag na lang nating isipin ang mga nawala kasi hindi 'yon makakatulong sa atin."
LEADING LADY ROLES. Sa kabila ng trahedyang ito, nagpapasalamat naman si Cristine dahil tuluy-tuloy ang kanyang trabaho.
Naging leading lady siya sa ilang proyekto tulad Patient X, ang isa sa Metro Manila Film Festival entries na Ang Darling Kong Aswang, at kamakailan sa bagong music video ng rock artist na si Rico Blanco.
Nakakatuwa raw isipin, ani Cristine, na nakuha siya bilang pangunahing babaeng artista sa mga proyektong ito.
"Masaya ako dahil sa dinami-rami ng mga magagandang babae sa showbiz, ako pa ang napili nila," dagdag pa niya.
Hindi rin daw niya inasahan na kukunin siya ng batikang komedyante na si Vic Sotto sa kanyang pelikulang pambato sa MMFF.
"Siyempre si Vic Sotto 'yon, di ba?" sabi ni Cristine. "Kumbaga, halos lahat ng mga showbiz people gustung-gusto makatrabaho si Vic Sotto, 'tapos ako nabigyan ako ng chance to work with him."
Sa kabuuan, isang magandang taon pa rin para kay Cristine ang 2009. Dahil sa mga proyektong kanyang nagawa, ito ang kanyang tanging nararamdaman, "Happy ako. Lahat naman talaga sobrang happy ako."
Bukod sa kanyang kasalukuyang panghapong television series na Precious Hearts Romances: Cheating Hearts, nagsimula na rin ang kanyang taping para sa Cristine Series. Gayundin, magkakaroon din siya ng isa pang teleserye na Working Girls para sa susunod na taon.