Inamin na ni Cristine Reyes na totoong nagpadala siya ng hate message against Heart Evangelista kaugnay ng pagkaka-link ni Heart sa ex-boyfriend ni Cristine na si Dennis Trillo. Pero nilinaw niya na matagal nang nangyari ito at hindi niya direktang tinext si Heart, bagkus ay ipinadala niya ang text message kay Rufa Mae Quinto.
"Hindi po ako directly nag-text kay Heart. Tinext ko si Rufa Mae. Pero 'eto lang, matagal na po itong nangyari, mga early this year, mga March. So, I don't see the point kung bakit nilalabas pa ngayong December na magtatapos na yung taon," sabi ni Cristine nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press sa presscon ng Ang Darling Kong Aswang kahapon, December 17, sa Moomba restaurant, Quezon City.
Kung matagal nang nangyari yun, bakit sa tingin niya naiintriga ulit silang dalawa ni Heart ngayon?
"I think meron yatang nagte-text ulit sa kanya ngayon. So, I don't know kung pinagbibintangan niya ako or something. Sana i-make sure lang natin na ako talaga yun. Ngayon, idine-deny ko kasi hindi naman po talaga. Pero yung before ako, totoo, ako talaga yun. Pero hindi ko nga siya directly tinext. Ang tinext ko si Rufa Mae," paliwanag niya.
So, si Rufa Mae ang nagpadala kay Heart ng hate message niya?
"Oo. Yun totoo talaga yun," sagot ni Cristine. "Hindi ko naman dine-deny yun, e. Pero yung ngayon, hindi porke't nangyari yun before, ako ulit yung ngayon, di ba? So, huwag naman tayong magbintang."
Noong gawin daw ni Cristine ang pagte-text ng hate message para kay Heart ay mag-boyfriend pa sila ni Dennis noon..
"FYI [for your information], nung time na yun kami pa [ni Dennis] noon, di ba? So, may karapatan talaga ako. Pero ngayon wala na kami, wala na akong karapatang gawin yun. Kaya hindi totoong ako yung nagte-text ngayon."
"WALA AKONG PAKIALAM SA BUHAY NIYA." Ayon kay Cristine, ang alam niya ay nagkaayos na sila ni Heart.
"Nagtataka lang ako ang tagal-tagal na nung isyu na yun, bakit ngayon lang nilabas? Okay na kami, e. Nagkita pa nga kami sa birthday ni Tita Annabelle [Rama, Heart's manager]. Ako pa mismo ang nagsabi kay Chard [Richard Gutierrez] noon, kasi kasama ko si Chard. Sabi ko, 'Ipakilala mo ako kay Heart kasi hindi pa kami nai-introduce sa isa't isa.' Tapos ipinakilala ako ni Chard. Ako pa, ako pa ang nagsabi," lahad niya.
So, feeling niya okay na talaga sila noon ni Heart?
"Oo. Kaya nga what's the point kung bakit inilalabas pa yung dating isyu, e, okay na nga kami? So, nagugulat ako ngayon kung bakit sinasabi niya na tine-text ko siya ngayon. Sigurado ba siya na ako yun, di ba? Wala naman siyang proof na ako yun. Bago na ang number ko at wala akong pakialam sa buhay niya," diretsong pahayag ng young actress.
Ano ang pakiramdam niya na dahil sa isyung ito ay lumalabas na tila hindi pa siya nakaka-move on sa breakup nila ni Dennis Trillo?
"Yun na nga, e. Parang pinapalabas tuloy na hindi pa ako nakaka-move on sa isang tao na matagal ko nang nakalimutan. So, parang ang pangit, e. Intindihin naman niya yung side ko. Alam kong galing din siya [Heart] sa breakup. So, intindihin naman niya ako na gusto kong makaalis sa lalakeng yun dahil sa isyu, ganya-ganyan. So, tantanan na ako, puwede ba? Yun lang yun sa akin. Nakakairita kasi!"
CLEARING THE ISSUE. Ilang press naman ang nagbigay-linaw kay Cristine at nagpaabot ng ilang pahayag ni Heart nang makausap nila ito sa isang presscon. Anila, hindi naman si Heart mismo ang naglabas ng isyu. May nagtanong lang daw kay Heart from the press at sinagot niya ito.
Ayon daw kay Heart, isang text lang naman daw talaga ang natanggap niya mula kay Cristine noon. Wala naman daw binanggit si Heart na meron ulit nagpapadala ng hate messages sa kanya ngayon. Ang mensahe nga raw ni Heart para kay Cristine ay sana magkatrabaho silang dalawa at open din daw ito sa pakikipagkaibigan kay Cristine.
"At least klaro," nalinawang sabi ni Cristine. "E, kasi nakakairita yung isyu. Matagal na nga kasi. Ang alam ko, okay kami. Parang ang gusto ng mga tao pag-awayin kami. E, okay na nga kami noong magkita kami sa birthday ni Tita Annabelle. Nag-shake hands kami, nag-smile kami sa isa't isa."
Ano ang magiging reaksiyon niya kapag nagkita sila ni Heart ulit halimbawa sa 2009 Metro Manila Film Festival Parade o sa Awards Night? Pareho kasing may entries sa MMFF sina Cristine at Heart. Si Cristine ang leading lady ni Vic Sotto sa Ang Darling Kong Aswang, samantalang kasama naman si Heart sa Mano Po 6 at sa Nobody, Nobody But Juan.
"Okay naman kami. Wala naman akong galit sa kanya o whatever. Okay lang kung magkita kami. Nasa same business kami kaya hindi maiiwasan na magkita kami. Nakakahiya na ito, sobrang naiisyu kami na wala naman kaming ginagawa sa isa't isa."
Ano na lang ang message niya sa mga nang-iintriga sa kanila ni Heart.
"Huwag niyo naman pong pag-awayin ang mga artista, magpa-Pasko na. Okay naman po kami ni Heart," sabi ni Cristine.
Kasama ba sa New Year's resolution niya sa 2010 na hindi na mang-aaway ng babaeng nali-link sa kanyang boyfriend?
"Siyempre, kung foul na yun, bakit hindi mo aawayin, di ba? Pero kung wala naman dahilan para awayin, bakit ko aawayin? Siyempre, ipaglaban mo rin ang sarili mo. Hindi puwede yung tatahimik ka lang sa isang tabi," sagot ni Cristine.
ANG DARLING KONG ASWANG. Mas gusto ngang pag-usapan ni Cristine ang pelikula niya with Vic Sotto na Ang Darling Kong Aswang, na entry ng M-Zet TV Productions, OctoArts Films at APT Entertainment sa 2009 Metro Manila Film Festival.
Mabait na aswang ang role ni Cristine dito na magiging asawa ni Bossing Vic. Dahil nga mag-asawa sila kaya hindi maiwasang magkaroon ng kissing scene. Nailang ba siya kay Bossing noong kinunan ang eksenang ito?
"Siyempre, kinabahan ako. Kasi bata pa lang ako, pinapanood ko na si Bossing, hinahangaan ko na siya. Nate-tense ako noon, pero hindi ko pinapahalata. Sobrang tahimik lang ako noon. Nakikinig lang ako kay Direk [Tony Y. Reyes]."
Ano ang mga bagay at ugali na hindi niya makakalimutan sa pakikipagtrabaho kay Vic?
"Marami. Kasi first time ko lang siyang nakatrabaho ng ganun katagal and lagi ko pa siyang kaeksena. So, hindi ko makakalimutan yung mga kuwento niya tungkol sa before kung paano sila sa showbiz. Siyempre dahil doon sa mga kuwento niya, may mga matututunan ka rin. Madalas din siyang magbiro. Hindi ko rin makakalimutan kung paano siya makisama sa mga tao."
Nauna nang gumanap si Cristine na aswang sa pelikula niya with Richard Gutierrez na Patient X. Ano ang kaibahan ng pagiging aswang niya sa Ang Darling Kong Aswang?
"Sa Patient X kasi, seryoso siya at saka medyo dark yung story. E, dito naman sa Ang Darling Kong Aswang, asawang ako pero may pagka-comedy. Masaya siyang gawin actually. Hindi nga mahirap gawin dahil wala kaming prosthetics dito, pangil lang. Tapos magga-growl ka lang nang magga-growl. Mahirap nga lang sa boses namin dahil madalas kaming nawawalan ng boses, lalung-lalo na kapag madaling-araw na. Pero at least yun lang, kaysa sa iba na may prosthetics ka na tapos growl ka pa nang growl, ang dumi-dumi mo pa. Ang hirap lang mag-dialogue pag may pangil kasi pag nagsasalita ako, para akong ngongo."
Ito na ba ang pinaka-wholesome movie na nagawa niya?
"Opo, kasi pambata, e. Kailangan wholesome talaga."
Ano ang challenge sa hindi pagiging sexy this time?
"Actually, wala siyang challenge sa akin kasi kung makikilala mo naman ako in real life, makulit ako, e. Mahilig akong magpatawa. Yun ang hindi alam ng karamihan. So, very relaxed and hindi na siya ganung ka-effort gawin," sabi ni Cristine.
So, meron pala siyang kengkoy side?
"Actually, oo. Natatawa nga sina Angel [Locsin] at Anne [Curtis] sa akin pag kasama ko sila, kasi patawa ako nang patawa."
Sa isang interview kay Vic, sinabi nito na posibleng magkaroon ng sequel ang Ang Darling Kong Aswang. Excited ba si Cristine dito?
" Sana, sana. Happy ako kung magkakaroon ng sequel. Sana ako pa rin if ever, di ba?" sagot niya.