Ang pagkakalamog sa sampal ang malaking rason kung bakit naudlot ang pagsama ni TV host Kris Aquino-Yap sa Pangasinan sorties ng kanyang Kuya na si Sen. Noynoy Aquino.
Ayon sa Liberal Party presidential bet Benigno “Noynoy” Aquino III, inumaga sa taping at nabugbog sa programang “Kung tayoy magkakalayo” ang utol niya.
At dahil doon ay hindi nga nakarating si Kris sa 2-day Pangasinan sorties.
Sa pagkukuwento pa ni Sen. Aquino, naka-take 3 ang eksenang sampalan kay Kris, kung saan napalakas umano ang sampal, kaya namaga ang mukha ng nakababatang kapatid.
“Medyo napalakas daw ang sampal sa eksenang sampalan.
Eh take 3 pa, at nagkaroon daw ng maga,” ani pa ni Aquino.
Naintindihan naman ni Sen. Aquino kung hindi nakarating ang kapatid sa Pangasinan dahil magkakasunod na campaign sorties naman daw ang inangkasan nito sa Region 1 at Region 2, at pati nga `yung sa Vigan, City.
“Natandaan ninyo sinamahan niya ako Region 1 and 2, last day sa Vigan, at after ng speech diretso siya sa Manila by land, tapos diretso taping ng 7 am at masyado siyang nasagad,” kuwento pa ni Sen. Aquino.
Bagamat wala si Kris sa malalaking rally ni Aquino sa Pangasinan, hindi pa rin mahulugan ng karayom ang mga political event ni Sen. Aquino, at hindi talaga makausad ang motorcade dahil sa nakaharang ang mga tao sa gitna ng kalsada.
Bago nga ang Pangasinan, rumatsada nang husto si Kris sa pagsama sa kampaniya ng kanyang Kuya Noynoy. At base sa obserbasyon ng marami, kapag kasama si Kris ay talagang dagsa ang maraming tao.
‘Yun nga raw ang dahilan kung bakit dedma na lang si Kris sa bira ng kanyang mga kalaban, na kesyo nakasisira siya sa kandidatura ng kanyang kapatid. Sabi nga niya, kahit saan daw siya magpunta ay ramdam na ramdam niya ang pagmamahal ng mga tao sa kanya at sa kanyang kuya, kaya hindi siya affected sa mga negatibong balita sa kanya.
Una ngang pinatunayan ni Kris ang kanyang drawing power sa matagumpay na kampaniya ni Noynoy sa Zamboanga City. Dinumog talaga si Kris ng mga tao roon, pati na ang kuya niyang si Noynoy, at mister na si James Yap.
Sa Ilocos Norte naman na kilalang balwarte ng mga Marcos ay mainit din silang tinanggap ng mga tao roon. Ang pagpunta ni Aquino sa Laoag ay kauna-unahang pagtapak niya sa teritoryo ng mga Marcos.
“Sobra-sobra ang pasasalamat ko sa lahat ng mga nagmamahal sa amin,” sabi lang ni Kris.
Naniniwala naman si Sen. Noynoy na makukuha niya ang kinakailangang suporta ng mga botante sa Ilocos Norte sa kabila ng mga naglabasang ulat na pangalawa lang siya sa mga kandidato sa pagkapangulo sa lugar na ‘yon.
“Isipin mo first time akong nagpunta roon. Kung pumapangalawa na ako, palagay ko maganda nang resulta ‘yan at narito ako para magpasalamat dahil sa senatorial campaign ko, ‘di hamak na mas maganda ang resulta ko sa Ilocos Norte kesa Pampanga, na-magic tayo nang husto, 10 ako sa Ilocos, 12 sa Pampanga,” aniya.