INDI man sabay na umere ang Claudine ni Claudine Barretto at Maalaala Mo Kaya ni Gretchen Barretto, nag-abot pa rin ang mga show ng dalawa nu’ng Sabado nang gabi.
Mas maagang pumasok sa ere ang kay Claudine, at makalipas ang 30 minutes ay pumasok na ang show ni Gretchen. Sa totoo lang, nahirapan kami na ilipat nang ilipat ang TV namin para lang matutukan ang performance ng magkapatid.
In fairness, parehong nagbigay ng intense acting sina Claudine at Gretchen sa kani-kanilang mga dramatic scenes. Mas lamang nga lang si Claudine sa kanyang ate pagdating sa husay sa pag-arte, dala na rin marahil nang pagiging mas matagal na niya sa circulation bilang talent ng Kapamilya Network at sunud-sunod na pagbibida sa mga series sa loob ng pitong taon.
Mas kontralado ni Claudine ang kanyang acting. Na-master na nito kung saang pagkakataon siya iiyak nang todo at kung saang moment lang tutulo ang kanyang luha na hindi niya kinakailangang humagulgol.Samantalang luhaan ng bonggang-bongga si Gretchen sa mga dramatic highlights niya pero kailangan naman ‘yun sa sitwasyong pinagdaanan ng kanyang pamilya.
Nakatulong marahil ang problema sa pamilya ni Gretchen dahil feel na feel nito ang eksena nila ni Dexter Doria na gumanap na ina niya. Ito ‘yung sinasabi ni Gretchen kay Dexter ang pagpupumilit niyang maging independent pero sa tuwing nadadapa ito ay laging nakaagapay ang kanyang pamilya sa kanya.
Maliban sa acting, kapuna-puna na mas lutang ang ganda ni Claudine kesa sa kanyang ate. Hindi namin alam kung dahil sa character ni Claudine na hindi poor sa kuwento kumpara kay Gretchen na ang character na ginagampanan ay mahirap.
May mga eksena si Gretchen na maganda siya kahit walang make-up, pero may eksena siyang hindi talaga bagay ang pagkaka-pouty ng lips niya.
Well, in any case parehong pinatunayan ng Barretto sisters na may ibubuga sila sa acting at aminin man nila o hindi nakatulong ang isyu sa kanilang dalawa para panoorin ang kani-kanilang mga show.
Magkakaalaman na nga lang kung kaninong programa ang mas pinanood ng TV viewers, kung ang kay Claudine o kung kay Gretchen.