SOBRANG happy nga si Juday na nagkasama-sama sila ulit ng mga dati niyang kasamahan sa Gimik, na palabas na bukas. Sabi nga ni Juday, parang biglang bumalik sa alaala niya ang lahat.
Ang dami-rami raw niyang hindi malilimutang karanasan sa Gimik noon.“Every taping noon, hindi talaga makakalimutan, lalo na ‘yung nag-Baguio kami. Kasi first time akong nakasama noon sa trip ng Gimik sa Baguio. I mean, out of town palaging hindi ako nakakasama, kasi palagi akong may trabaho at hindi ako pinapayagan at that time.
“Nu’ng Baguio, nakiusap talaga ko na pasamahin ako. Masaya `yung part na `yon sa akin bilang artista, dahil parang nag-outing lang kami sa Baguio noon, na nagkataon na nagtatrabaho kayo pero most of the time tawanan lang kami nang tawanan. Eh, ang lamig ng panahon, at biglang bubuhos ang ulan at nagtatakbuhan kami sa itaas ng bundok. Nakakatuwang isipin na nu’ng time na ‘yon walang artistang maarte,” say ni Juday.
Siyempre, hindi rin naawat si Juday na magkuwento tungkol sa kanyang pagbubuntis. Tingin daw niya, hanggang ngayon ay naglilihi pa rin si Ryan Agoncillo.
“Ayaw n’yang aminin, pero siya ‘yung naglilihi hanggang ngayon. Kasi siya ‘yung may ayaw ng mga pabango ko, tapos siya ‘yung naghahanap ng siomai, tapos antok na antok siya at tulog nang tulog.
“Ako mas madalas lang ako kumain kasi madalas ako magutom, pero hindi naman malakas ‘yung appetite talaga, pero madalas akong kumain at saka hindi lang ako nakakakain ng mga malalansa noon.
Pero ngayon ok na, unti-unti nakakakain na ko uli ng mga isda, ng mga shellfish.”
Ano ba ang paghahandang ginagawa nila ni Ryan ngayon?
“Sa ngayon todo-basa ako ng mga books tungkol sa pagiging mother, tapos nakikinig sa mga advice ng mga tao. May mga fans na nagpadala ng mga regalo nila for the baby, at tinatanong pa nila ako kung anong gusto ko. Pero, nagsisimula na akong mag-online kung ano ba talaga ‘yung kailangan.
“May mga words of wisdom din sa akin si Claudine na ‘wag daw akong bumili masyado ng mga damit ng new born kasi nga ang bilis lumaki ng bata, at masasayang lang. Na tama naman kung iisipin mo, na gagastos ka ng bonggang-bongga tapos ilang linggo lang magagamit ng bata dahil mabilis ngang lumaki ang mga bata lately.
“So tama lang ding maging praktikal talaga. Ang hirap din naman ng buhay ngayon. Hindi naman porke artista ka eh mabilis na ang pera,” sey pa ni Juday.