Your Ad Here

Friday, February 19, 2010

Talent manager Perry Lansigan answers criticisms on Jolina Magdangal's new look


Bagamat kilala na si Jolina Magdangal sa pagiging fashion icon at pagpapauso ng mga bagong look, marami pa rin ang nagulat at bumatikos nang makitang muli ang multimedia star sa kanyang bagong image noong una siyang i-launch sa SOP.



Dawit sa isyung ito ang bagong manager ni Jolina na si Perry Lansigan. Si Perry raw kasi ang dahilan ng sinasabing pagbabago ni Jolina. Nandiyan din ang usap-usapan na hindi raw masaya ang ama at dating manager ni Jolina na si Jun Magdangal sa repackaging ng anak.



REVISITING THE OLD JOLINA. Nagkaroon ng pagkakataon ang PEP (Philippine Entertainment Portal) na makausap si Perry sa opisina ng PPL Entertainment kahapon, February 18. At punto por punto ay binigyan niya ng kasagutan ang lahat ng isyu na nasusulat o naibabato kaugnay ng pagbabagong-bihis na ito ni Jolina.



"Sa pagbabago ng image ni Jolina, kasama dun ang pagbabago ng image, character," simula ni Perry. "Kapag sinabing attitude, mula sa mabait, sasama ang ugali. Hindi ganun. Kung sinasabi nila na poor copycat ni Lady Gaga [si Jolina], nagpapasalamat ako para mai-compare kay Lady Gaga kasi international peg yun. Icon yun. Para mai-compare kami sa icon, thank you very much.



"Pero hindi kami papunta sa ganun," diin niya. "Ang sinasabi ko nga lang, nag-usap kami ni Jolens, kung ano ang dating siya, babalikan lang namin. Ano ba ang dating siya? Dating siya na nagsusuot ng butterfly. Medyas niya magkaiba. Sapatos niya magkaiba. At ang nangyari nun, lahat ng tao sinasabi na baduy siya. Nakakadiri. Pero wala siyang pakialam nun. Maya-maya, unti-unti, halos karamihan ng tao, may headband, may butterfly na, alam mo yun? Noong panahon na yun, okey lang sa kanya. Pero unti-unti siyang nag-hide sa shell niya. Unti-unti siyang nag-hibernate. So, nag-blend ngayon siya. Naging one of those siya.



"Sabi ko lang, 'Jolens, kung ano ka dati, ibabalik lang natin. Ano ka ba dati? Dati ay oozing with confidence ka. Wala kang care sa sasabihin ng mga tao. Kaso, ang kaibahan, hindi na natin puwedeng gawin na magba-butterfly ka dahil wala na sa edad mo. So, mag-a-upscale lang tayo ngayon na ganito ang appearance mo paglabas mo. Mas mag-e-experiment lang tayo. Hindi ka na magbi-blend.'"



Dagdag ni Perry, "At saka icon na si Jolens. Kung hindi siya ang makakagawa nun, sino pa ba ang makakagawa nun sa atin? Sa GMA?"



"Larger scope" nga raw ang pagbabagong nakikita ngayon kay Jolina. It will not merely end with her look or appearance.



Ayon din sa manager ni Jolina, mas open na rin ang singer-actress sa mas marami pa niyang puwedeng gawin.



"Puwede na rin kaming um-accept ng daring roles, sexy pictorials. Hindi na siya yung, 'Ay, hindi na siya puwedeng magpahalik. Kailangan sa cheeks lang.' Kasama yun dun lahat," sabi ni Perry.



NEGATIVE COMMENTS. Karamihan ng komento o puna na naririnig at nababasa tungkol sa bagong look ni Jolina ay hindi na raw ito bata kaya parang hindi na bagay sa kanya ang ganung image. Ano ang masasabi ni Perry dito?



"Para sa akin, wala sa age yun. Yun ay nasa attitude at character. Si Kylie Minogue, lumabas nung '80s, nawala for a while. Nag-reinvent, then nakabalik na... Si Madonna ba, ilang taon na? Si Madonna ay 50-plus, pero naka-micro-mini, naka-tanga, hi-cut," sabi ni Perry.



Jolina is 31 years old.



When they first talked about changing the image of Jolina, ano ang naging reaction ng kanyang alaga?



"Noong nag-usap kami, sinabi ko sa kanya na, 'Hindi kita pipilitin. Kung handa ka, okey. Kung ayaw mo, huwag nating gawin.' Sabi niya, kaya niya raw," lahad ni Perry.



Ano nga bang peg o look ang gusto nilang ipakita ni Jolina ngayon?



"Mas daring na siya. Mas mature na ang hitsura niya. Puwede siyang mag-micro-mini kung gusto niya. Puwede siyang mag-tanga kung gusto niya. Puwede siyang mag-accept ng mature roles. Puwede siyang mag-accept ng other woman kung kailangan," sabi ng talent manager.



Aware naman daw sila na hindi lahat ay nagustuhan ang bagong look ni Jolina. Isang bagay raw yun na bago pa man nila gawin ay alam na nilang puwedeng mangyari.



"Sabi ko naman sa kanya, 'Bago pa man 'to, Jolens, kapag ginawa natin 'to, marami ang hindi magkakagusto. Marami ang babatikos. Marami ang mababaduyan. Marami ang magsasabing desperate move. Marami ang magsasabing late mo na ginawa 'yan, bakit ngayon lang? But at the same time, may magkakagusto rin. May matutuwa rin. We cannot please everybody. So, kung ano lang ang attitude mo dati, ang attitude mo na wala kang care, basta nag-e-enjoy ka sa ginagawa at sinusuot mo, yun lang ang ibabalik natin.'"



Hindi ba siya nao-offend na bilang manager ni Jolina ay siya ang binabatikos tungkol sa bagong image ng kanyang alaga?



"Hindi ako nao-offend kasi bakit naman ako mao-offend, e, hindi naman totoo? Kahit naman si Jolens, bakit di n'yo tanungin kung nao-offend siya? Nakahanda na rin kasi si Jolens sa kung ano ang magiging feedback sa kanya," saad ni Perry.



DESPERATE MOVE? May mga nagsasabi rin na desperate move na raw ang pagbabago ng image ni Jolina upang isalba ang showbiz career nito. Ano ang reaksiyon dito ni Perry?



"They can say what they want," pagkikibit-balikat ng talent manager. "Kung ano ang feeling nila na gusto nilang sabihin, sabihin nila, and thank you very much. Basta kami, kung saan nae-excite si Jolens, kung ano nga ang attitude niya dati na wala siyang care, gagawin niya."



Kumusta na si Jolina ngayon?



"Mas okey raw siya," sagot ni Perry. "Because ang sabi niya, nagbalik daw dati yung every time na lumalabas siya, iniisip niya kung ano ang isusuot niya. Iniisip daw niya kung bagay sa ganito. Bumalik daw ang excitement na dating nararamdaman niya."



Totoo bang hindi nagustuhan ng ama at dating manager ni Jolina na si Jun Magdangal ang bagong image ng anak nito?



"Wala akong naririnig na ganyan kasi may mga natatanggap nga akong mga text, e. Every time na lalabas si Jolens, nagte-text siya sa akin. 'Congratulations, Perry, ang ganda ni Jolens ngayon.' Pati yung launching niya, nagagandahan siya," sabi ng talent manager, na humahawak din sa career nina Dingdong Dantes, Geoff Eigenmann, Angelika dela Cruz, at iba pa.



Tinanong din ng PEP si Perry sa sinasabing hindi rin daw satisfied si Daddy Jun sa promotion ng magazine ni Jolina, ang Jolie. Na bilang manager, wala raw siyang ginagawa to promote it?



"Number one, wala akong pakialam sa Jolie," diin ni Perry. "Hindi akin yun. Wala akong kinalaman dun. Kapag nakialam ako sa Jolie, sinasakop ko ang trababong hindi akin. Dumating si Jolens sa akin, may grupo na. Nag-pictorial na raw sila.



"Ako naman, siyempre nahiya naman akong makialam. Pero hindi totoong wala 'yang fanfare, ni-launch 'yan sa SOP. Noong dumating 'yan sa akin, sinabi ko talaga na, 'Bakit hindi na lang natin i-coincide sa pagbalik mo sa SOP? Plus the unveiling of billboard ng Cathy Valencia.'



"Nakiusap ako sa SOP and since mahal din nila si Jolens, naniniwala rin sila sa akin, sinuportahan nila. After that, nagkaroon siya ng signing, nagpadala rin ako ng mga TV crew, nag-guest din siya sa Showbiz Central. It's just the same with Yes Pinoy Foundation ni Dingdong Dantes, hindi ako nangengelam diyan, kasi may tao siya diyan.



"Yung Ayos Na, hindi ako nakikialam. Kapag ini-ask lang ni Dingdong ang help ko, 'saka lang. Like with Jolie, hindi ko sakop 'yan. Pero kapag hiningi ni Jolens ang help ko, gagawin ko."



SNUBBING THE PRESS? Sa grand launch ng Panday Kids last Tuesday, February 16, ay marami sanang miyembro ng entertainment press ang nagnanais na makausap si Jolina. Pero pagkatapos ng presentation ng cast members ay hindi na lumabas si Jolina para sa sit-down interview.



Dahil dito, iba't ibang isyu na ang naglabasan. Nandiyang mahirap na raw i-reach si Jolina at nawalan na raw ito ng PR sa press, unlike before na nakikipagtsikahan siya sa mga ito.



Ano ang masasabi ni Perry rito?



"Bago pa lang kasi dumating 'yan, may gagawin kami after [the presscon], may engagement siya. Kahit itanong n'yo pa sa EP [executing producer] ng Panday Kids. Sinabi na namin na hindi namin magagawa ang table-for-table [interview]. Ang magagawa lang namin ay presentation kasi kailangan niyang umalis kaagad.



"Ngayon, may nabasa ako, sabi raw, sinabi raw sa mga tao na lalabas ulit si Jolens, magpapalit lang ng damit. Now, sino yung taong yun? Kasi, wala kaming pinag-usapang ganun. Kahit itanong n'yo pa sa EP," diin ni Perry.



Ayon kay Perry, may pinaplano na rin daw silang pocket interviews para kay Jolina dahil alam nilang hindi siya makakausap ng press sa grand launch ng Panday Kids.



Marami rin ang nagtatanong kung bakit tinanggap nila ang Panday Kids na isang pambatang show, samantalang sinasabi ni Jolina na mas gusto na niyang lumabas sa mature roles?



"Tinanggap ko ang Panday Kids dahil naka-costume rin yun. Hindi rin siya naka-jeans lang. Iba rin 'yan, kaya ko tinanggap," sagot ni Perry.

0 comments:

Post a Comment