Friday, February 19, 2010
Rich, nagpadalus-dalos sa reklamo laban sa Bb. Pilipinas!
PUNO pa ng pangarap si Rich Asuncion nang makausap namin siya noong nakaraang taon, ilang araw pagkatapos ng coronation night ng 2009 Bb. Pilipinas Contest.
Si Rich ang 1st runner-up sa nabanggit na contest at sa interbyu namin noon sa kanya, nagsalita ang Starstruck Avenger na may plano pa siya na sumali sa Bb. Pilipinas Contest.
Nangako si Rich na paghahandaan niya ang kanyang susunod na laban para makuha niya ang isa sa mga beauty title ng contest. That was then.This is now. Tinanggalan ni Rich ng karapatan ang sarili na muling maging kandidata ng Bb. Pilipinas Contest dahil sa kanyang kontrobersyal na deklarasyon sa presscon ng Panday Kids na hindi pa ibinibigay ng Bb. Pilipinas Charities Inc. ang cash prize niya.
Ang Bb. Pilipinas Charities Inc. ang organizer ng Bb. Pilipinas Contest at ang GMA 7 ang media partner nila. Contract star si Rich ng Artist Center, ang talent management arm ng GMA 7.
Sa tingin namin, naging padalos-dalos si Rich sa pagsasalita o pagrereklamo laban sa BPCI. Binasa ba niya ng mabuti ang kanyang kontrata sa BPCI? Tiniyak ba ni Rich na walang nakalagay sa kontrata na hindi niya makukuha ang kabuuan ng kanyang premyo hangga’t hindi tapos ang kanilang term?
At kung totoo na pinahihirapan si Rich ng BPCI sa pagkuha sa kanyang premyo, bakit hindi niya hiningi ang tulong ng Artist Center o ng GMA 7 bago siya nagsalita sa media? Tiyak na may magagawa ang GMA 7 dahil ito nga ang media partner ng BPCI.
Isang malaking organisasyon ang BPCI. Hindi pa man isinisilang si Rich, nandiyan na ang BPCI at siguro naman, hindi magtatagal ang organisasyon ni Stella Marquez de Araneta kung nang-aagrabyado sila ng mga beauty queen.
Narinig at nabasa na natin ang mga reklamo ni Rich at dapat din nating malaman ang panig ng BPCI dahil siguradong may mga sapat na dahilan at sagot sila sa isyu na iniipit nila ang cash prize ni Rich na hindi tumutugma sa pangalan ang reklamo.
Labels:
Rich Asuncion
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment