Your Ad Here

Friday, January 29, 2010

Marian Rivera: "Hindi ako lilipat dahil masaya ako bilang Kapuso."


Nagulantang ang fans ni Marian Rivera nang unang mabalitang lilipat siya sa ABS-CBN after her contract with GMA-7 expires. Ayon pa sa news item, ang Endless Love: Autumn In My Heart na ang last soap ni Marian sa Kapuso Network at lilipat na siya sa Kapamilya network.



Nasulat pang kapag lumipat sa ABS-CBN si Marian, hindi na si Popoy Caratativo ang kanyang manager. Ibang tao na rin daw ang nakikipag-usap on her behalf sa Kapamilya network.



Upang kumpirmahin ang balitang paglipat ni Marian sa ABS-CBN, tinawagan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Popoy. Natatawang "no comment" ang sagot ni Popoy sa amin, pero nangako siyang tatawagan niya kami sa tamang panahon.



Sunod na tinanong ng PEP ang rumored boyfriend ni Marian na si Dingdong Dantes tungkol sa diumano'y pag-alis ng aktres sa GMA-7. "Nope," "it's not true," at "there's no truth to that" ang sagot ni Dingdong. Tinanong pa nga niya kami kung saan galing ang balita.



Nang makausap ng entertainment press si Marian sa Dinangyang Festival sa Iloilo, nag-"no comment" din siya at itinuro ang kanyang manager para siyang sumagot sa pangungulit ng press. Pero wala rin kaming nakuhang malinaw na sagot.



MARIAN FINALLY ANSWERS THE QUESTION. Muling nakausap ng PEP si Marian sa taping ng Darna sa grotto sa San Jose Del Monte, Bulacan noong Miyerkules, January 27. Ang isyung pag-alis niya sa GMA-7 para lumipat sa ABS-CBN ang unang itinanong sa kanya and this time ay diretso na niya itong sinagot.



Totoo ba ang mga balitang lilisanin na niya ang Kapuso network?



"Hindi ako lilipat kasi masaya ako sa GMA-7. Hindi nila ako pinababayan at marami akong work," mariing sabi ni Marian.



Totoo bang may kumausap kay Popoy tungkol sa kontrata niya sa GMA-7 at kung kailan ito mag-e-expire at nag-offer ng kontrata?



"May nagtanong lang naman, hindi offer yun," paglilinaw niya. "Nagtanong lang ng mga bagay-bagay kay Popoy at kung sinuman ang taong yun, huwag na nating sabihin. Ang sigurado lang at final na ito, hindi ako lilipat dahil masaya ako bilang Kapuso. Ano pa ba ang hihilingin ko? Good projects ang ibinibigay sa akin at binigyan din ako ng title [Primetime Queen of GMA-7]."



Nang sabihin ng PEP na hindi lang ang fans niya ang matutuwa sa kanyang ipinahayag, kundi pati na rin ang GMA-7 dahil hindi pa rin pala sila mawawalan ng "Primetime Queen," tinanong ni Marian ang kasama naming taga-Corporate Communications department ng Kapuso network kung totoong nabulabog sila sa balita. Nang umoo ang tinanong, natawa na lang si Marian.



"Nakakatawa naman at pati kayo nag-isip na aalis nga ako sa GMA Network. Hindi nga ako aalis, happy na kaya ako dito at final na 'yan," wika ni Marian.



Isa sa mga project na gagawin ni Marian ay ang Endless Love: Autumn In My Heart na balik-tambalan nila ni Dingdong Dantes. Naurong sa April ang start ng taping nila at sa June naman ang airing nito. Hindi pa lang sigurado si Marian kung si Joyce Bernal pa rin ang magdidirek ng Pinoy adaptation ng Koreanovela na ito dahil magko-concentrate daw ang direktor sa pagdidirehe ng pelikula. Si Joyce ang nagdirek ng tatlong primetime series na pinagsamahan nina Marian at Dingdong: Marimar, Dyesebel, at Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang.



DARNA BIDS FAREWELL. Mixed emotions naman si Marian sa nalalapit na pagtatapos ng telefantasya na Darna dahil mami-miss daw niya ang mga kasamahan niya rito, pati na ang direktor nilang si Dominic Zapata. Mami-miss din daw niya ang pagsusuot ng costume ni Darna.



Hindi na idinetalye ni Marian ang mga susunod na episodes, pero sinabi niya na lahat ng mga nakalaban niya ay magsasama-sama hanggang maging isang tao na lang. Kung paano ito gagawin, bahala na raw si Direk Dom.



Ano ang mga natutunan niya sa Darna?



"Disiplina, kumain ng healthy food, at mag-exercise dahil ang pangit ng matabang naka-harness!" tawa ni Marian. "Bawal ang tamad, kailangang mag-exercise, mag-stretching man lang bago ako i-harness."



Mami-miss niya ba ang Darna?



"Definitely! Absolutely! Lahat ng soap ko at karakter ko na-miss ko at minahal ko," sagot ng Primetime Queen ng GMA-7.



BOOK RUN. Tiniyak din ni Marian na nasa Book Run siya ng Yes Pinoy Foundation, na pinangungunahan ni Dingdong, sa The Fort ngayong Linggo, January 31. Pipilitin daw niyang makahabol dahil the night before, last taping day ng Darna at susunod ang dinner ng buong cast at production crew.



"Hindi man ako makatakbo, hahabol ako para mag-give ng award. After the taping, didiretso na ako sa The Fort. Nakiusap na ako kay Ate Edlyn [Tallada-Abuel, executive producer] na tapusin ako ng maaga para makapag-prepare naman ako. Hindi na ako matutulog, maliligo na lang ako."

0 comments:

Post a Comment