Your Ad Here

Tuesday, December 22, 2009

Vic Sotto goes up against Comedy King Dolphy at this year's MMFF


Matapos ang memorable at first time na pagsasama nina Comedy King Dolphy at Box-Office King Vic Sotto sa pelikulang Dobol Trobol: Get Redi 2 Rambol noong August 2008, ngayong taon naman ay magkalaban ang kanilang mga pelikula sa 2009 Metro Manila Film Festival (MMFF)—Ang Darling Kong Aswang ni Vic at Nobody, Nobody But Juan ni Dolphy.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at ng iba pang press si Bossing Vic sa presscon ng Ang Darling Kong Aswang kahapon, December 15, sa Moomba Restaurant sa Quezon City. Ang tungkol sa tapatan nilang ito ni Dolphy ang agad na tinanong ng PEP kay Bossing.

Nag-usap ba sila ni Dolphy bago pa nila isali sa MMFF ang entries nila?

"Ako, naniniwala na kung anuman ang mangyari, magkatapat man ang pelikula namin, magkasabay ang pelikula namin, hindi na magagalaw ang pagkakaibigan namin. Yung pagmamahalan namin mananaig yun sa kahit anong tapatan o sabayan ng mga pelikula," sabi ni Vic.

Madalas isagot ni Dolphy ang pangalan ni Vic kapag tinanong ito kung sino sa tingin niya ang puwedeng sumunod sa yapak niya sa paghahari sa komedya. Ano ang reaksiyon ni Vic dito?

"Alam mo kami, yung pagsasama namin ni Dolphy... matagal na kaming magkakilala. Nagkikita kami sa mga okasyon dati sa ABS-CBN, noong nandun pa ang Eat Bulaga. Pero ang culmination of it all ay nung magkasama kami sa pelikula. Ilang araw din yun na... araw, gabi na nagkukuwentuhan kami. Pag hindi kami nagti-take, kaming dalawa ang nagkukuwentuhan, e. Marami akong tinatanong sa kanya. Marami akong pinapakuwento sa kanya. E, alam mo naman si Dolphy makuwento yun, e. Naging magkaibigan kami. Doon nabuo yung pagtitinginan namin sa isa't isa. Kaya naniniwala ako na pagka tinanong mo siya ng ganun, ako ang sasabihin niya," saad ng comedian.

WOWOWEE & WILLIE ISSUE. Kasama sa istorya at setting ng pelikula ni Dolphy ang programang Wowowee ni Willie Revillame sa ABS-CBN, na kalaban ng noontime show nina Vic na Eat Bulaga! sa GMA-7. Hindi ba sumama ang loob niya na ang show ng kalaban ang napili ni Dolphy?

"Marami nga ang nagtatanong sa akin kung hindi ba sumama ang loob mo na may pelikula si Pidol, e, ang ginamit na show ay Wowowee? Walang problema doon. Kasama sa istorya yun. Walang problema sa akin yun. Magkakatapat ang pelikula n'yo, ano ang masasabi mo? Wala rin sa akin yun. Nakakatuwa nga si Dolphy kapag nagpo-promote siya, pati pelikula ko pinu-promote niya, e. Ako naman ganun din. Yung pagmamahalan namin, e, yun ang pangunahin na... nasa ibang level yun, e.

"Kung anuman yung intriga na tungkol sa Wowowee, kay Willie, wala yun. Nandito lang yun sa baba [level of importance]. Yung pagtitinginan namin at respeto sa isa't isa ay mataas, lalo na ang aking respeto sa kanya. At ako ay nananatiling sumasaludo sa kanya," paliwanag ni Vic.

Kung magkakaroon ng pagkakataon, papayagan ba niyang mag-promote si Dolphy sa Eat Bulaga!, kahit na nga sa isang interview ay sinabi na ni Dolphy na, "Nakakahiya naman kay Vic"?

"Hindi lang sa akin [nakakahiya] kundi pati dun sa mga taga-Eat Bulaga!, di ba? Alam ni Dolphy yun, e. Masyadong marespeto sa kapwa yun. So, alam niya na magkalaban sa noontime yung dalawang shows. Hindi naman tama yun. Puwede naman siyang mag-promote mismo sa Wowowee, kahit araw-araw pa nga, e. Alam niya yun," sagot ni Vic.

Hindi naman daw makakaapekto sa pagkakaibigan nila ang isyung ito.

"Istorya lang naman yun. Wala naman personalan yun. Nagkataon lang na nasa ABS siya, siguro natural lang na yung Wowowee ang nasa istorya. Pero wala yun. Mababaw na dahilan yun para maapektuhan kami ng mga ganyang isyu."

Kung gagawa ng biopic tungkol sa buhay ni Dolphy, willing ba siyang gampanan ang role bilang Hari ng Komedya?

"Aba , bakit hindi?" sagot ni Vic. "Maganda yun. It will be an honor for me kung ako ang mapipili."

BONG REVILLA & MANNY PACQUIAO. Bukod kay Dolphy, makakatapat din muli ni Vic ngayong taon sa MMFF si Senator Bong Revilla para naman sa pelikula nitong Ang Panday. Matatandaang apat na beses nang nagkatapat ang mga pelikula nina Vic at Bong sa MMFF: Lastikman vs. Agimat noong 2002, Fantastic Man vs. Captain Barbell noong 2003, Enteng Kabisote 2 vs. Exodus noong 2005, at Enteng Kabisote 4 vs. Resiklo noong 2007.

Ano ang masasabi niya sa muli nilang pagtatapat ni Bong sa MMFF?

"Wala namang tapatan," sabi ni Vic. "It's a GMA and Bong co-production. I don't see any tapatan. Ang alam ko, magkakampi kaming lahat dito. At alam ko ganundin ang pakiramdam nila. Kasi iisa lang itong ating gustong mangyari dito ay maging matagumpay ang kabuuan ng film festival. Kasi tayu-tayo rin naman ang makikinabang sakaling maganda ang magiging resulta."

Sa isang interview kay Bong, sinabi ng senador na maiintindihan naman daw niya kung sakaling hindi siya puwedeng mag-promote sa Eat Bulaga! dahil nga sa magkalaban ang kanilang pelikula. Ano ang comment ni Vic dito?

"Si Bong? Wala namang bawal sa Eat Bulaga!, e. Kuwentu-kuwentuhan lang yun. Huwag kayong maniniwala sa kuwento-kuwento."

Nagbigay rin ng pahayag si Vic tungkol naman sa entry ni Manny Pacquiao na Wapakman.

"Kahit si Manny, hindi ko itinuturing na kalaban. Si Manny kakampi natin 'yan. Iisa lang yung industriyang ginagalawan natin. Iisa lang ang adhikain namin. Iisa lang ang gusto naming mangyari para sa kapakanan ng mga manonood ng mga pelikulang Pilipino," saad niya.

ANG DARLING KONG ASWANG. Tinatawag si Vic bilang "Undisputed MMFF Box-Office King" dahil sa nakaraang pitong taon ay pawang topgrosser ang kanyang mga entries sa taunang filmfest, na kinabibilangan ng Lastikman (2002), Fantastic Man (2003), Enteng Kabisote series (2004-2007) at Iskul Bukol: 20 Years After noong isang taon. Muli na namang masusubukan ang lakas sa takilya ni Bossing sa pamamagitan ng Ang Darling Kong Aswang, na produced ng M-Zet TV Productions, OctoArts Films, at APT Entertainment.

Ine-expect niya ba na mag-number one ulit sa MMFF ang Ang Darling Kong Aswang?

"Hindi ko iniisip yun, as usual," ngiti niya. "As always, ang iniisip ko ay kung paano maging matagumpay yung festival sa kabuuan niya. Ito ay para sa ating lahat. Kaya hanggang maaari ay tangkilikin natin lahat ng mga entries sa darating na festival. Iba-iba naman 'yan, merong drama, action, fantasy, may horror, may pang-pamilya, siyempre may comedy."

Nilinaw rin ni Vic na hindi nila ginawang basehan sa paggawa ng Ang Darling Kong Aswang ang hit Hollywod movies na Twilight at New Moon, kung saan bida naman ang mga vampires. Hindi raw komo't may aswang character sa movie nila na katulad ng mga bampira ay nanggaya na sila. Bago pa raw maipalabas ang naunang movie na Twilight ay matagal na nilang konsepto ang aswang.

"Matagal na naming proyekto ito bago pa namin ginawa ang Enteng Kabisote. Hindi lang natuloy. Kasi gusto naming gumawa ng katatawanan na horror, horror-comedy. Pero siniguro ko na yung horror, e, yung hindi naman talaga nakakatakot para sa mga bata. Baka ma-trauma yung mga batang manonood. Alam ko maraming batang nanonood tuwing Kapaskuhan, so siniguro namin na matutuwa at masisiyahan ang mga bata. May konting sigawan, may konting gulat, pero matatakpan lahat yun ng katatawanan na mapapanood nila."

Magkakaroon din ba ng sequel ito gaya ng Enteng Kabisote?

"Kung meron man, baka hindi pelikula. So, surprise. Meron pa kaming planong maganda," sabi niya.

Sa synopsis ng pelikula na naunang naibigay sa mga press, nakalagay rito na magkakaroon sila ng anak ni Cristine Reyes, na gumaganap na asawa ni Vic sa movie. Sinunod pa rin ba nila ito?

"Supposed to be ganun ang ending. Pero binago namin. Kasi ang malaking question mark dun, e, ano kaya ang magiging anak namin? Kung half-half ba o mestisong aswang?" biro ni Bossing.

Directed by Tony Y. Reyes, ang Ang Darling Kong Aswang ay kinatatampukan din nina Jean Garcia, Agot Isidro, Dante Rivero, Rafael Rosell, Denise Laurel, Jackie Rice, Empress Schuck, Richie D' Horsie, Wally Bayola, Allan K., Joonee Gamboa, Luz Fernandez, Jenny Miller, Gian Sotto, Tita Swarding, Mosang, Shalala, Mika dela Cruz, at Barbie Forteza. Meron ding espesyal na partisipasyon sina Pia Guanio, Jacky Woo, Oyo Sotto at Joey de Leon.



ENTENG KABISOTE V. Hindi pa man natatapos ang MMFF ngayong taon ay pinaghahandaan na rin ni Vic ang isasali niya sa MMFF next year. Inamin niya na hindi ang sequel ng Ang Darling Kong Aswang ang balak niyang isali sa 2010, kundi ang ika-limang edisyon ng Enteng Kabisote.



"Pagkatapos nitong MMFF sa January, susunod naman naming paghahandaan ang Enteng Kabisote 5," banggit niya.



Mas malaki ba ito kumpara sa mga nakaraang edisyon?



"Kailangan, e. Dapat mas bonggang-bongga."



Si Kristine Hermosa pa rin ba ang kukunin niyang Faye?



"Depende. Puwede namang magpalit-palit yan e. Nakakailang Faye na ako since nung nag-start ito sa TV."



EAT BULAGA! IS STILL WITH GMA-7. Samantala, matapos ang iba't ibang espekulasyon at usap-usapan na baka lumipat ng ibang istasyon ang Eat Bulaga!, kung saan main host si Vic kasama sina Tito Sotto at Joey de Leon, kamakailan ay pumirma na ng bagong kontrata ang TAPE Inc., producer ng Eat Bulaga!, sa GMA-7. Ano ang masasabi ni Vic dito?



"Kami naman ay mananatiling Kapuso, sa GMA-7," sabi ni Vic. "Marami naman kaming pinagsamahan ng GMA. Kung tutuusin, diyan nagsimula ang Tito, Vic & Joey sa Channel 7, Discorama days, Student Canteen days. Diyan kami nagsimula, e. So, espesyal sa aming puso ang Kapuso."



Bakit sa tingin niya nagkaroon ng isyu na lilipat sa ibang istasyon ang Eat Bulaga?
"Siguro dahil nagkaroon ako ng show sa TV5, iniisip nila na bagong grupo itong nagpapatakbo sa TV5, Media Quest, na alam naman natin ay isang malaking grupo 'yan. Mahusay din at hindi mo matatawaran ang kakayahan ng Media Quest. Kaya siguro nagkaroon ng tsismis-tsismis o espekulasyon na baka kami ay lumipat. Pero pinapatunayan namin na hindi. Nanatili kaming kaibigan ng Kapuso kasi wala naman kaming masamang tinapay. Maganda naman ang pakikitungo sa amin, lalo na sa Eat Bulaga. So, tuloy ang ligaya."



Bagama't nanatili ang Eat Bulaga! sa GMA-7, malaya naman si Vic na gumawa ng show sa ibang istasyon, gaya sa TV5, kung saan isa sa toprater ng istasyon ang show niyang Who Wants To Be A Millionaire?. Bukod dito, kinumpirma rin ni Vic na magkakaroon pa siya ng bagong show sa TV5 sa susunod na taon.



"Meron, simula next year magsisimula na kaming mag-taping next year."

Ano ang format ng show na ito, sitcom din ba gaya ng Full Haus?

"It's a combination of a reality and sitcom. It's a different thing."

Iko-co-produced niya ba ang show na ito with his M-Zet TV Productions?

"Depende pa sa magiging usapan namin. Although pinag-uusapan na lang ay konting detalye na lang at saka yung schedule na lang. Pero tuloy na ito."

CHRISTMAS PLANS. Ano ang plano ni Bossing sa Pasko?

"Dati ring gawi. We'll spend Christmas here, buong family. Siguro we'll go out-of-town after ng Christmas break at ng MMFF."

May regalo na ba siya para sa girlfriend niyang si Pia?

"Wala pa. Araw-araw Pasko sa amin, e," sagot niya.

0 comments:

Post a Comment