Friday, March 19, 2010
JC de Vera, ‘di iniyakan ang paglayas sa GMA!
Isasalang na si JC de Vera ngayong Sabado sa gag show ng TV5 na Lokomoko High, isa sa mga shows na gagawin niya sa bago niyang bahay bilang artista. Bukod dito, may tatlo pang shows na naka-line up sa alaga ni Tita Annabelle Rama matapos lumabas sa GMA Network ng almost seven years, huh!
Tinapos muna ni JC ang mga eksena niya sa Panday Kids bago tuluyang kumawala na sa network na nagbigay sa kanya ng magagandang breaks bilang actor. Binigyan siya ng solo presscon ng TV5 sa Mario’s resto at hindi ipinagkaila ng actor na nalungkot siya dahil iniwan na niya ang GMA.
“Nalungkot ako dahil mahirap talagang mag-decide. May mga tao kasi sa GMA na tumutulong sa akin kaya very grateful ako. Naging sobrang mabait sila sa akin. Pero ganoon talaga ang buhay. Pero hindi ako umiyak! Ha! Ha! Ha!” kuwento ni JC.
Ano naman ang masasabi niya na si Paulo Avelino ang kinuhang kapalit niya sa role niya sa PK?
“Hindi ko masasabi talaga na okey na okey siya. Kasi hindi ko pa siya nakikitang umarte talaga. Sabi naman nila, very well focused si Paulo. ‘Yun nga, nakapag-usap kami. Nagwu-work out na rin siya. I’m sure, nabigla siya na siya ang ipapalit. Panoorin ko muna siya,” sagot ni JC.
Hindi na ba talaga sila nakapag-usap ni Ma’am Wilma Galvante ng GMA?
“Hindi na talaga kami nakapag-usap,” maiksing tugon ng actor.
Inamin ni JC na pinaghinayangan niya ang pag-alis niya sa GMA fantaserye.
“Sobrang pinanghinayangan ko ‘yon. Kasi alam ng lahat na pinaghandaan ko ang show. Mahirap talaga para sa akin. Pero kapag hindi ako nag-decide para sa sarili ko, kapag hindi ko ginawa ito sa sarili, kelan ko sisimulan? Ginawa ko ang Panday with heavy heart. Kahit na-excite ako for that show, mabigat pa rin ang loob ko para doon. Kaya, ‘yun, kasama ko si Tita Annabelle na nag-decide. Sabi ko, kailangan kong gawin ito at nagpaalam naman ako na hindi ko na tatapusin ang show. Na-explain naman namin kay Miss Annette (Gozon-Abrogar) at naintindihan naman nila. Gusto ko ring i-clear ‘yung issue na, kasi, sasabihin din na wala akong utang na loob. Hindi kasi ako nagsasalita tungkol sa isyu.
“‘Yun nga, hindi naging madali para sa akin lalo na ‘yung pagpapaalam ko lalo na sa nagbigay sa akin ng magandang projects ng GMA. So ‘yun nga, kailangan kong mag-decide para sa sarili ko. Kailangan kong mag-mature. Saka ginawa ko ito for career growth talaga! Saka mahirap at mabigat talaga sa GMA!” paliwanag ni JC.
Nag-effort ba siya upang makausap si Ma’am Wilma?
“Sa tingin ko, hindi ko na kailangan pa. As long as nandoon ang respect ko sa kanya, okey na ‘yon.
Hindi naman ako masamang tao para pagsalitaan siya nang masama. Thankful pa rin ako dahil kahit paano, naging mabait pa rin siya sa akin. ‘Yun nga lang, nagkaroon sila ng problem ni Tita Annabelle and obviously, nadamay ako. Ahh, kumbaga, ‘yung galit ni Ma’am Wilma, napupunta sa akin imbes na kay Tita Annabelle. So sa akin, nababato, sa mga alaga ni Tita, ‘di ba?” paliwanag pa niya.
Teka, ‘yung bayad ba sa kanya ng TV5 ang nagtulak sa kanya para pumirma ng kontrata sa kanila?
“Second priority na sa akin ‘yung deal. Gusto kong mabago ang environment ko ang unang dahilan ng paglipat ko. ‘Yun ang nagustuhan ko. Tapos, ‘yung excitement na makakatrabaho ko ang fresh na directors and writers. Doon ako nai-excite. ‘Yung deal, nasabi na sa akin. Ako talaga, gusto ko lang talagang umalis! Ha! Ha!Ha!” natatawang sambit na lang ni JC.
Labels:
JC de Vera
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment