Your Ad Here

Wednesday, February 17, 2010

PBB Double Up winner Melai Cantiveros answers intrigue that she was ABS-CBN's "bet to win"


Katatapos lang ideklara si Melisa "Melai" Cantiveros bilang Big Winner ng Pinoy Big Brother Double Up noong Sabado, February 13, sa Ninoy Aquino Stadium sa Pasay City. Pero paglabas pa lang niya ng Bahay ni Kuya ay sinalubong na agad siya ng iba't ibang mga intriga.



Nagkaroon ng pagkakataon si Melai na linawin ang mga isyung ito nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press sa presscon para sa Big 5 na kinabibilangan din nina Paul Jake Castillo, Jason Francisco, Johan Santos, at Tibo Jumalon. Ginanap ang presscon sa mismong Bahay ni Kuya malapit sa ABS-CBN last Monday, Feb. 15.



NETWORK'S BET? Unang nilinaw ni Melai ang isyung niluto lang daw ng ABS-CBN ang pagkapanalo niya dahil siya umano ang bet o gusto ng Kapamilya network na manalo.



"Niluto? Hindi ko nga lubos maisip kung nanalo ba talaga ako. Pero ang masasabi ko po doon is luto ba talaga? Sige, kung luto talaga, kainin na lang po natin!" pakengkoy na sagot ni Melai.



Pero aniya, "Wala na po akong magawa. Ako na po ang in-announce. Tanggapin na lang. Hindi naman po siguro gagawin ng ABS yun."



Malaki naman ang paniwala ni Melai na ibinoto talaga siya ng taumbayan kaya siya nanalo.



"Siguro marami lang talaga ang bumoto sa akin. Siyempre, sobra akong nagpapasalamat sa lahat ng mga sumuporta. I love you all!" sambit niya.



WRONG ENGLISH. Sunod na ipinaliwanag ni Melai ang tungkol sa mali-mali niyang pagsasalita ng English. Para sa marami ay naging katawa-tawa, pero meron din mga taong kumukuwestiyon dito dahil ang pagkakakilala nila kay Melai ay bilang English teacher.



Ayon kay Melai, ang totoo ay practicing teacher o student teacher pa lang talaga siya dahil hindi pa nga niya natatapos ang kurso niya sa kolehiyo na Education.



"Practicing teaching pa lang ako. Hindi pa talaga ako teacher. Hindi pa ako nakapasa sa exam," sabi niya.



Alam na ng lahat na mabilis siyang magsalita. Kapag kaharap ba niya ang mga estudyante niya ay marahan siyang magsalita?



"Ganito na po talaga yung buka ng bibig ko. Pero pag English po, natatawa rin po yung mga students ko kasi parang ganun-ganun daw ako magsalita. Pero ginagawa ko po ang lahat, nire-ready ko po ang sarili ko bago ako pumasok sa classroom," kuwento ni Melai.



Babalik pa ba siya sa pag-aaral at tatapusin ang kurso niyang Education?



"Siyempre, gusto ko ring tapusin," sagot niya. "Kung wala po akong raket, tatapusin ko po talaga yun para ma-encourage talaga ako para maka-graduate talaga ako ng college. Pero kung magkakaraket ako, siguro tatapusin ko na lang kung wala akong raket. Pero kasi old curriculum pa yung iniwan ko kaya baka pag bumalik ako second year ulit ako."



RELATIONSHIP WITH JASON IS NO STRATEGY. Ano ang masasabi niya na strategy lang daw nila ni Jason ang kanilang relationship at loveteam sa loob ng Bahay ni Kuya para makakuha ng boto sa mga tao?



"Ang masasabi ko lang, siyempre hindi yun strategy. Over naman yun sa strategy. May nagkaka-inlaban bang strategy? Hindi kami masyadong nagko-close-close noong umpisa, kasi nga baka yung ibang housemates ma-out of place na sa amin. Kasi nga, parati nga kaming magkasama. Ang masasabi ko lang sa strategy, hindi po strategy."



Willing ba siyang i-give up ang relationship niya with Jason para sa kanyang career?



"Hindi po all over!" sagot niya. "Sabi ko nga, sobra na akong happy na nakilala ko yung mga housemates at saka si Jason. Ang kuwan lang natin sa mundo is maging happy ka. Itong career, hindi naman po ito forever. Ang kuwan ko talaga is yung maging happy ako sa buhay ko.



"Sa amin ni Jason, kung makahadlang ang career, bye na lang sa career. Pero kung okay naman ang career at kami ni Jason, e, di go. Puwede naman po sigurong pagsabayin."



MELAI VS. POKWANG? Nasa loob pa lang ng PBB house si Melai ay ikinukumpara na siya sa komedyanang si Pokwang. Kaya naman unti-unti ring may nabubuong kumpetisyon sa kanilang dalawa. Paano naman tinatanggap ni Melai ang kumpetisyon with Pokwang?

"Siyempre, nahihiya po ako," sabi niya. "Kasi bakit may kumpetisyon, e, hindi naman kami nagku-compete? Hindi naman po kami nagku-compete sa takbuhan. Nahihiya po ako sa kanya kasi bakit naman po ganun ang mga tao."



Nagkaharap na sila ni Pokwang nang mag-guest ang Big 5 sa Wowowee last Monday, February 15. Ano ang naging reaksiyon niya?



"Ang masasabi ko lang po, nahihiya po ako kay Ms. Pokwang. Idol ko po kasi siya. Nakakatawa po kasi siya sa Wowowee. Lalo na si Sir Willie [Revillame] po."



Ano naman ang sabi ni Pokwang sa kanya?



"Good luck po daw. Wish niya daw the best sa aking buhay."



READY TO FIGHT FOR HER FAMILY. Dahil open naman siyang pasukin ang showbiz ay hindi maiiwasang madamay sa ilang intriga ang kanyang pamilya. Natatakot ba siya na mangyari ito sa pamilya niya?



"Hindi naman ako takot," sabi ni Melai. "Si Mama naman kasi nakakatawa naman yun, kasi nga artista na raw ako. Siguro ang masasabi ko lang sa kanila is, 'Maging ready na lang kayo, Ma.' Kasi ako ready naman ako."



Handa ba siyang ipaglaban ang pamilya niya sa mga mang-iintriga sa kanila?



"Ipaglaban ko talaga nang patayan ang pamilya ko. Pero takot din po ako pumatay. Kaya sana huwag na lang nilang intrigahin ang pamilya ko. Mahal na mahal ko po kasi sila."

0 comments:

Post a Comment