Wednesday, January 27, 2010
Judy Ann Santos wants to prove that a show can be a hit even without kissing scenes
Pagkatapos ng ilang taon ay maipalalabas na rin sa wakas ang Nurserye ng ABS-CBN na Habang May Buhay. Tampok dito si Judy Ann Santos bilang isang nurse, si Jane Alcantara.
Tatlo ang leading men ni Juday sa Habang May Buhay—sina Joem Bascon, Will Devaughn, at Derek Ramsay. Sa presscon ng primetime series na ito kagabi, January 26, tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang aktres kung ano ang masasabi niya sa tatlong leading men niya.
"In fairness sa kanilang tatlo, nakikitaan ko talaga sila na mahusay, na may potensiyal pagdating sa pag-arte. Ito yung mga taong ito na hindi mo kakikitaan ng reklamo pagdating sa eksena. Napaka-professional nila. Hindi nila nilalaro yung pag-aartista nila, isinasapuso nila. At natutuwa ako na nakasama ko sila na naging parte ako ng pag-aartista nila. So sana, wish kong magtuluy-tuloy sila kasi konting-konti na lang yung mga bagong artistang dumarating na isinasapuso ang pag-aartista," papuri ni Juday sa kanyang mga kapareha.
May intimate scenes ba siya sa tatlo?
"Meron," sagot ni Juday. "Pero konting-konti lang yung intimate scenes... Pinakamalapit na yung nahalikan ako ni Derek sa balikat. Yun na ang pinaka-intimate na nagawa namin."
Nagpaalam pa ba si Juday sa kanyang mister na si Ryan Agoncillo bago niya gawin ang eksenang ito sa Habang May Buhay?
"Kami naman ni Ryan, pagdating naman sa trabaho, hindi naman namin kailangang magpaalam sa isa't isa," sabi niya. "Basta ako, alam ko kung hanggang saan ang limitasyon ko bilang asawa. At alam din niya ang limitasyon niya bilang asawa at aktor. Aktor naman siya at naiintindihan niya 'yan.
"So ako naman, may mga ginawa lang akong restrictions sa sarili ko kasi ayoko namang mapanood din ng anak ko 'yan na isang five-year-old na babae, at hindi ko alam kung paano kong ie-explain. Ngayon, ginagawa ko lang yung trabaho ko at gusto ko lang ding ipakita sa mga manonood na maitatawid ko ang kahit na anong proyekto na kaya kong gawin, na hindi ko kailangang makipaghalikan."
GLADYS REYES. Kasama rin sa Habang May Buhay ang isa sa mga best friends ni Juday na si Gladys Reyes, na gumaganap bilang isang doktora. Si Gladys ang kontrabida sa buhay ni Juday rito.
Unang nagsama sina Juday at Gladys sa teleseryeng Mara Clara nung teenagers pa sila. Sumikat ang Mara Clara at isinalin pa nga ito sa pelikula. Paano ba ikukumpara ni Juday ang pagsasama nila ngayon ni Gladys sa Habang May Buhay sa pagsasama nila noon sa Mara Clara?
"Hinahapo na po kami sa fight scenes namin!" tawa ng young superstar. "Hindi na po namin kayang magtagal magsabunutan kasi hingal na hingal na kami. Pero sa totoo lang po, bilang matagal kaming hindi nagsama ni Gladys sa isang teleserye, na-miss namin yung ganitong tandem. Kaya nung unang eksena naming dalawa na sabunutan at sampalan, at parang nagsapakan talaga kami, intense masyado. Yung hindi namin nakontrol yung mga sarili namin, yung gusto lang naming mapaganda yung eksena.
"At saka ang hindi po nagbago sa amin mula pa nung bata kami at hanggang ngayon, wala po kaming fight director pagdating sa mga ganyang sapakan. Bahala na si Lord kumbaga. Bago na lang mag-take, 'Sis, sorry ha!' Nagsosorihan na po agad kami kasi alam namin in one way or another, magkakasakitan talaga kami. Lahat naman po na yun, pure trabaho lang. At yun ang pinaka-namiss ko talaga sa pagsasama namin ni Gladys. Yung walang kashowbisan, yung hindi ka matatakot gawin yung gusto mong gawin sa kaeksena mo kasi alam mong hindi siya mag-iinarte. Walang magtsitsismis na sinadya yung sampal, very professional."
TELESERYE QUEEN. Dahil marami nang nagawang serye si Judy Ann Santos sa ABS-CBN at lahat ng ito ay tinangkilik ng publiko, lalo na ng kanyang fans, kaya naman siya ang binansagang Teleserye Queen ng Kapamilya network. Ano ang masasabi ni Juday sa titulong ibinigay sa kanya ng ABS-CBN?
"Sa totoong salita, hindi ko naman puwedeng sabihin na kumportable ako sa titulong yun dahil nandoon pa rin yung paninibago, yung pagtatanong sa sarili na, 'Dapat ba talaga?' Siyempre nandoon din yung pag-iisip na, 'Seryoso ba 'yan o kunwa-kunwari lang?'
"In-explain naman sa akin dahil ako, nagtanong din ako sa higher bosses kung totoo po ba talaga ito. In-explain naman nila sa akin yung mga kaganapan. Na-appreciate ko naman yung meeting na nangyari sa amin na, 'Historically speaking, ganyan lahat-lahat 'yan...' Dinaan nila mula pa po nung Ula hanggang Mara Clara.
"Nagpapasalamat naman po ako, pero siyempre nahihiya dahil one way or another, sana kami ni Claudine [Barretto] yung nasabihan. Maaaring kaming dalawa dapat. Kaya palagi ko pong sinasabi sa bawat interviews ko, maliban kay Gladys na tumulong talaga sa akin na makilala ako, kasama ko rin po dito si Claudine.
"Ngayon, sa paglipat ni Claudine sa kabilang istasyon [GMA-7], siyempre kung sa nagulat, nagulat po. Pero sa kabilang banda, naiintindihan ko siya. Kasi kahit sinong tao na pagdadaanan yung kung ano man yung sitwasyon na meron si Claudine ngayon, na hindi naman alam ng karamihan yun, maiintindihan nila kung bakit niya ginawa yun. Pamilyado siya, kailangan niya ng trabaho at saludo ako sa ginawa niya dahil napanindigan niya," tuluy-tuloy na sabi ni Juday.
Binalak din ba niya noon na lumipat sa ibang istasyon?
"Alam niyo namang honest ako sa pagsasabing oo naman. At maraming beses kong inisip 'yan," pag-amin ni Juday. "Pero, siyempre, sa bawat desisyon mo na ganyan, magpapaalam at magpapaalam ka. Sa bawat pagpapaalam... Parang mag-ina lang 'yan, e, may mga pagkakataon na nagkakaroon kayo ng misunderstanding. Sa akin naman po, tuwing nagkakaroon ako ng tampo o sama ng loob sa ABS, nakikita ko naman na sila mismo ang gumagawa ng paraan para mapaliwanagan ako kung anong nangyayari."
Ang Habang May Buhay ay ipalalabas simula February 1 sa Primetime Bida ng ABS-CBN. Mula ito sa direksiyon ni Wenn Deramas.
Labels:
Judy Ann Santos Agoncillo
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment