Your Ad Here

Saturday, April 3, 2010

Oyo Sotto, ‘Mama’ ang tawag kay Kristine Hermosa


Hanggang ngayon ay ayaw pa ring lagyan ng label ni Oyo Sotto ang relasyon nila ni Kristine Hermosa. Sabi ni Oyo, makukumpirma lang niya ang sitwasyon nila ni Kristine kapag ikinasal na sila.
Inamin ni Oyo na pinag-uusapan na nila ni Kristine ang tungkol sa kasal. Kaya hindi raw totoo ang tsismis na ikinasal na sila sa US kamakailan. Sabi nga ni Oyo, hindi pa siya nagpu-propose kay Kristine.

Itinanggi rin ni Oyo ang balita na nagpagawa na sila ng wedding ring ni Kristine. May ibinigay raw siyang singsing kay Kristine, pero hindi raw `yon wedding ring.Tinanong namin si Oyo kung totoong may trauma na si Kristine sa pagpapakasal dahil sa nangyari sa kanila noon ni Diether Ocampo. Sagot ni Oyo, wala raw trauma sa kasal si Kristine, at gustung-gusto pa rin daw nitong magsuot ng wedding gown at maikasal sa simbahan.

Siyempre, ipinagtanggol ni Oyo si Kristine sa mga tsismis na kesyo maldita ito. Giit ni Oyo, wala siyang nakikitang pangit na ugali kay Kristine.
Ang kabaitan daw ni Kristine ang madalas niyang nakikita. At kung may moods daw si Kristine sa trabaho, hindi raw maiiwasan ‘yon dahil tao rin naman daw si Kristine na napapagod din.

Tinanong din namin si Oyo sa sinabi ng tatay niyang si Vic Sotto na nag-aalangan na itong kunin si Kristine bilang leading lady, dahil naiilang na raw siyang maging asawa sa harap ng kamera ang girlfriend ng kanyang anak. Hirit ni Oyo, biruan lang daw nila `yon ni Vic, at wala raw problema kung kunin uling leading lady ni Vic si Kristine.

Siyanga pala, inamin ni Oyo na ‘Ma’ ang tawag niya kay Kristine, at ‘By’ naman ang tawag sa kanya ni Kristine.
“Kasi nga, Mama ko siya sa movie at anak naman niya ako, kaya By ang tawag niya sa akin,” sabi na lang ni Oyo.

0 comments:

Post a Comment