Your Ad Here

Wednesday, March 31, 2010

Rochelle, aminadong naiinggit kay Jopay!


DAPAT ay si Sexbomb Jopay Paguia ang magbibida sa season 26 ng Daisy Siete. Pero biglang nag-backout si Jopay at si Rochelle Pangilinan ulit ang ginawang bida. May balita ngang nagdadalantao na raw si Jopay kaya tumanggi itong magbida sa Daisy Siete.


“Dapat nga na alternate kami ni Jopay sa pagbida sa Daisy Siete. Kakatapos ko lang kasi ng Bebe & Me.

Pero sinabihan nga ako na hindi puwede si Jopay kaya dumiretso na ako sa paggawa nitong Adam Or Eve.


“Ako na ang nagsasabi na hindi buntis si Jopay. Naku, ilang beses na siyang nababalitang buntis.

Nakausap ko nga siya at sinabi niya na sanay na siya na matsismis siyang buntis. Hindi talaga niya magagawa ang Daisy Siete kasi nga may sinimulan na siyang food business kasama si Joshua (Zamora).


“Nag-invest nga si Jopay sa negosyo na iyon kaya gusto niyang tutukan muna. Ayaw nga raw niyang ipagkatiwala sa iba ang negosyo niya at ‘yun din ang advice ni Ate Joy sa kanya. Ako man, kung magnenegosyo, gusto ko na ako muna ang mag-aasikaso.


“Understanding naman si Ate Joy at natutuwa nga ito na may negosyo na si Jopay. Anytime raw na ready na ulit na mag-work sa Daisy Siete si Jopay, wala raw problema,” pahayag ni Rochelle.


Next year nga ay may plano na raw pakasal sina Jopay at Joshua. Hindi ba naiinggit si Rochelle?


“Sa totoo lang, natutuwa ako for Jopay kasi nahanap niya ang la­lake na para sa kanya. I mean, through thick and thin, nandiyan si Joshua para sa kanya at nagtutulungan sila.


“Masaya ako para sa kaibigan ko. Marami na kaming pinagdaanan ni Jopay at mabalitaan ko lang na magpapakasal siya, parang ang saya-saya ko rin.


“Siyempre naman, nakakainggit iyon. Kaso wala pa ‘yan sa mga plano ko. Unang-una, wala naman akong pakakasalan pa at wala namang nagpo-propose pa sa akin. Kaya habang wala, trabaho muna tayo. Marami pa akong gustong gawin para sa pamilya ko at sa sa­rili ko. Darating din ang pagpapakasal kapag handa na ako.”


Sa nalalapit na Holy Week nga, hindi maiwasan na itanong kay Rochelle kung ano na ang nangyari sa naging kaso nila sa Boracay. Last year kasi ay nasangkot sila sa isang gulo sa isang bar, kasama si Sexbomb Aifha Medina at ang non-showbiz friend nilang si Mitch Villanueva. Ang nakabangga nila ay isang nagngangalang Joshua Calixto Formentera.


Ayon kay Rochelle ay hindi siya puwedeng magbigay ng anumang detalye sa nagaganap nilang hearing sa Boracay. Naka-attend na raw si Rochelle ng isang hearing pero hindi naman daw nakarating ‘yung nagsampa ng kaso sa kanila na si Joshua.


“Ang dasal ko lang ay maayos na iyon. Unang-una, malaking abala para sa aming lahat. Sa Boracay pa iyon, eh nandito ako sa Manila. Hindi namin alam kung saan ‘yung Joshua naka-base. Gusto ko lang na maayos na ito para may peace of mind na kaming lahat,” saad na lang ni Rochelle.

0 comments:

Post a Comment